Isinusulong ng mga senador ang isang Senate inquiry upang imbestigahan ang nabunyag na umano’y pagtatapon ng isang crematorium ng mga patay na alagang hayop sa Bulacan.
Nais nina Sen. JV Ejercito at Sen. Pia Cayetano na imbestigahan at panagutin ang mga responsable sa naturang iskandalo at ang lawak ng nagawang krimen.
Paliwanag ni Sen. Ejercito, nakagagalit at nakalulungkot ang sinapit ng mga hayop na aniya’y itinuturing na bahagi o miyembro ng pamilya at nararapat lamang na mabigyan ng maayos at marangal na huling hantungan.
Nangako ang senador na sisilipin ng mataas na kapulungan ang naturang insidente bilang bahagi ng pagtukoy sa mga kakulangan sa batas at mga hakbang para maiwasan na maulit pa ito.
Hindi aniya sapat ang pagpapasara ng lokal na pamahalaan ng Bacoor sa naturang pet crematorium at sa halip ay kailangang makabuo ng akmang batas o regulasyon para maprotektahan ang mga pet owner mula sa kahalintulad na kapabayaan.
Sa panig naman ni Sen. Cayetano, iginiit niyang may karapatan ang mga pet owner na makita ang kanilang mga alagang hayop na mabigyan ng maayos na libing o cremation, alinman ang kanilang kagustuhan.
Karapatan din aniya ng mga ito na makitang matupad ang mga napagkasunduang serbisyo at humingi ng danyos sa pinsala at paghihirap na kanilang dinanas matapos matuklasan ang mga basta na lamang itinapon na patay na alaga.

















