Nakatanggap ng humigit-kumulang 2,000 aklat at textbooks ang Hadji Ali Baganian Memorial School sa bayan ng Talayan, Maguindanao del Sur, sa pamamagitan ng donasyon ng Sacred Heart School–Ateneo de Cebu.

Nagsagawa ng turnover ceremony ang 6th Infantry (Kampilan) Division at Joint Task Force Central noong Nobyembre 2, 2026, sa Makatao Hall, Camp Siongco, Maguindanao del Norte, para sa mga aklat na ipinagkaloob ng Sacred Heart School–Ateneo de Cebu. Pinangasiwaan ang aktibidad sa ilalim ng pamumuno ni Brig. Gen. Edgar L. Catu, kasama si Gabriel Joseph Catolico bilang kinatawan ng donor.

Ayon sa 6ID, nakalaan ang mga donasyong aklat para sa mga mag-aaral ng paaralan sa Barangay Nest Tambunan upang makatulong sa kanilang pangangailangan sa pag-aaral.

Nagpasalamat naman si Catu sa Ateneo de Cebu at hinikayat ang iba pang sektor na magbigay ng mga aklat at iba pang learning materials, lalo na para sa mga paaralang nangangailangan.

Binigyang-diin din ng 6ID na patuloy itong magiging katuwang sa mga proyektong nagtataguyod ng edukasyon, pagkakaisa at kapayapaan sa mga komunidad sa Central at South Central Mindanao.