Kinilala ng 6th Infantry (Kampilan) Division at Joint Task Force Central ang mga yunit ng militar at pulisya na nanguna sa pagpapanatili ng seguridad sa unang Bangsamoro Parliament Inaugural Session at pagkakahalal sa kauna-unahang Chief Minister ng rehiyon.

Pinangunahan ni 6ID at JTFC Commander Brig. Gen. Edgar L. Catu ang awarding ceremony ngayong Miyerkules Nobyembre 4, 2026, sa 6ID Gymnasium, Camp Siongco, Maguindanao del Norte. Ginawaran ang mga kinatawan ng mga kalahok na yunit bilang pagkilala sa kanilang serbisyo at kontribusyon sa mapayapang pagsasagawa ng makasaysayang mga aktibidad.

Kabilang sa mga iginawad ang Plaques of Recognition, Military Merit Medals at Medalya ng Parangal sa Kapanalig ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas.

Kabilang sa mga kinilalang yunit ang 2nd, 5th at 6th Marine Battalions, 6th, 7th, 57th at 92nd Infantry Battalions, 1st Mechanized Battalion, 61st Division Reconnaissance Company at Division Maintenance Company.

Ginawaran din ng pagkilala ang Police Regional Office-BARMM, mga Police Provincial Office ng Maguindanao del Norte at Maguindanao del Sur, at Cotabato City Police Office.

Sa kanyang mensahe, pinasalamatan ni Catu ang mga tropa at katuwang na ahensya sa ipinakitang propesyonalismo at koordinasyon. Ipinaabot din niya ang pasasalamat nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., AFP Chief of Staff Gen. Anthonio Nafarrete, Philippine Army Commanding General Lt. Gen. Donald M. Gumiran at Acting Western Mindanao Command Commander MGen. Jose Vladimir R. Cagara sa lahat ng lumahok sa security operations.

Binigyang-diin ni Catu na ang matagumpay na pagsasagawa ng inaugural session at pagkakahalal sa unang Chief Minister ay hindi lamang tagumpay ng Bangsamoro Parliament kundi ng buong mamamayang Bangsamoro.

Kinilala rin niya ang mahalagang papel ng media sa pagbibigay ng impormasyon sa publiko at pagsuporta sa pagsusulong ng kapayapaan sa rehiyon.