Naipamahagi na sa 19 higher education institutions sa Cotabato City ang kabuuang P47.685 milyong financial subsidy na nakalaan para sa 7,574 kwalipikadong college students sa ilalim ng City Student Subsidy Program ng lokal na pamahalaan.

Pinangunahan ni Farina Mae Guiani, pinuno ng Office of the City Youth Development Officer (OCYDO), ang turnover ng pondo bilang bahagi ng programa sa ilalim ng administrasyon ni Mayor Mohammad Ali “Bruce” Matabalao.

Ayon sa OCYDO, isinagawa ang turnover matapos makumpleto ang validation ng mga benepisyaryo, beripikasyon ng kanilang academic units, at pagsusumite ng mga kinakailangang dokumento alinsunod sa government accounting at auditing requirements.

Magkakaiba naman ang halaga ng matatanggap ng bawat estudyante depende sa kanilang validated academic units at program requirements.

Nilinaw na ang aktuwal na pamamahagi ng financial assistance sa mga kwalipikadong estudyante ay isasagawa sa pamamagitan ng kani-kanilang paaralan alinsunod sa itinakdang proseso.

Layunin ng programa na makatulong sa gastusin sa pag-aaral at masuportahan ang pagpapatuloy ng kolehiyo ng mga kabataang Cotabateño.