Inilipat sa Linggo, Nobyembre 8, ang nakatakdang power interruption na unang inanunsyong isasagawa ngayong Sabado, Nobyembre 7, sa Cotabato City at ilang bahagi ng Maguindanao del Norte, Maguindanao del Sur, Cotabato Province at Special Geographic Areas ng BARMM.
Sa abiso ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), isinagawa ang pagbabago sa iskedyul kasunod ng kahilingan ng customer.
Ayon sa bagong iskedyul, mula alas-5:30 ng madaling araw hanggang alas-6:30 ng gabi mawawalan ng suplay ng kuryente ang buong coverage area ng Cotabato Electric Cooperative o COTELCO-PPALMA at ang sakop ng Simuay Substation ng Maguindanao Electric Cooperative o MAGELCO.
Samantala, sa buong coverage area ng Cotabato Light and Power Company (CLPC) at sakop ng Capiton Substation ng MAGELCO, magkakaroon ng power interruption mula alas-5:30 hanggang alas-6:30 ng umaga at muli mula alas-5:30 hanggang alas-6:30 ng gabi.
Isasagawa ang naturang power interruption para sa energization ng Kibawe-Kabacan at Kabacan-Sultan Kudarat 138-kilovolt transmission lines, gayundin sa mga pagkukumpuni at preventive maintenance ng high-voltage equipment sa NGCP Sultan Kudarat Substation.
Magkakaroon din ng maiikling pagkawala ng kuryente bago at pagkatapos ng mga aktibidad dahil sa paglilipat ng suplay ng kuryente.
Magpapatupad din ng voluntary load curtailment upang maiwasan ang overload sa Tacurong-Datu Saudi Ampatuan 69-kilovolt line habang pansamantalang dito dadaan ang suplay para sa CLPC at MAGELCO-Capiton Substation.
Pinapayuhan ang publiko na makipag-ugnayan sa kani-kanilang distribution utilities para sa eksaktong listahan ng mga maaapektuhang lugar.
Tiniyak naman ng NGCP na gagawin ang lahat ng paraan upang maibalik ang suplay ng kuryente nang mas maaga o alinsunod sa itinakdang iskedyul.

















