Pormal nang nanumpa si Bangsamoro Member of Parliament (MP) Atty. Naguib G. Sinarimbo bilang bagong Minister of Basic, Higher and Technical Education (MBHTE) ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Pinangunahan ni Chief Minister Abdulraof “Sammy Gambar” Macacua ang panunumpa ni Sinarimbo ngayong umaga.
Sa kanyang pahayag, sinabi ni Sinarimbo na tinatanggap niya ang bagong responsibilidad kasabay ng pangakong isulong ang mga kinakailangang reporma upang matugunan ang matagal nang problema sa sektor ng edukasyon sa Bangsamoro.
Kabilang sa mga tinukoy niyang hamon ang kalidad ng pagkatuto, kakulangan sa mga pasilidad, at mga suliranin sa pamamahala ng mga paaralan at mga guro.
Binigyang-diin din niya ang layuning makabuo ng sistema ng edukasyon na nagbibigay ng pantay na pagkakataon sa bawat batang Bangsamoro at nagsisiguro na walang mag-aaral ang maiiwan dahil sa kahirapan, layo ng komunidad, o iba pang hadlang sa pag-aaral.
Ayon kay Sinarimbo, kakailanganin ang sama-samang pagkilos at pagtutulungan upang maisakatuparan ang mga pagbabagong kinakailangan sa sektor ng edukasyon para sa kinabukasan ng mga kabataang Bangsamoro.

















