Pinalawak ng pambansang pamahalaan ang suporta nito sa serbisyong pangkalusugan at imprastraktura sa Misamis Occidental sa pamamagitan ng inagurasyon ng isang ₱1.6-bilyong medical center at isang flood control project na pinangunahan ni Special Assistant to the President Anton Lagdameo Jr. kahapon, Huwebes, Nobyembre 5.
Sa ngalan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., pinangunahan ni Lagdameo ang pagbubukas ng Asenso Misamis Occidental Medical Center sa Barangay Talairon, Oroquieta City, bago nagtungo sa Barangay Taboc Norte para sa inagurasyon ng Layawan Flood Control Project.
Sa mensaheng ipinahatid sa pamamagitan ni Lagdameo, binigyang-diin ni Marcos ang kahalagahan ng pagpapalawak ng mga pasilidad pangkalusugan upang mailapit sa mga komunidad ang mga serbisyong medikal, lalo na sa mga lalawigan.
“No Filipino should be unable to access healthcare because they cannot afford it, because local hospitals cannot accommodate them, or because they have to travel far to receive proper treatment,” ayon sa Pangulo.
May kapasidad na 500 kama ang Asenso Misamis Occidental Medical Center at nakapaloob ito sa kategoryang Level 1 General Hospital na may mga modernong pasilidad para sa serbisyong medikal at laboratoryo.
Kabilang sa mga serbisyong nakahanda rito ang oncology at cancer care, trauma care at iba pang espesyal na serbisyong medikal, habang inaasahang makapaglilingkod ito sa tinatayang 800 hanggang 1,224 pasyente kada buwan.
Ang proyektong nagkakahalaga ng ₱1.6 bilyon ay sinimulan at pangunahing pinondohan ng Provincial Government of Misamis Occidental, katuwang ang pambansang pamahalaan sa pamamagitan ng Local Government Support Fund o LGSF.
Sa kabuuang halaga, ₱151 milyon ang nagmula sa LGSF, kabilang ang ₱51 milyon na inilaan para sa pagbili ng mga kagamitang medikal at laboratoryo.
Nagbibigay rin ang ospital ng Zero Balance Billing para sa mga pasyenteng naka-basic o ward accommodation, alinsunod sa layuning mabawasan ang gastusing kailangang sagutin ng mga mahihirap na pasyente.
Ayon kay Marcos, makatutulong ang bagong pasilidad upang hindi na kailangang bumiyahe pa sa ibang lalawigan ang mga residente para lamang makakuha ng diagnostic tests at iba pang espesyal na serbisyong medikal.
Sa ganitong paraan, inaasahang mababawasan ang oras at gastusin ng mga pasyenteng nangangailangan ng mas masusing pagsusuri at gamutan.
Ibinahagi rin ng Pangulo ang mas malawak na programa ng administrasyon sa pagpapalakas ng healthcare infrastructure sa buong bansa.
Mula Hulyo 2022 hanggang Abril 2026, nakapagtayo umano ang pamahalaan ng 3,088 pasilidad pangkalusugan at nakabili ng 6,699 na modernong kagamitang medikal sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas.
Samantala, sinabi rin ni Marcos na umabot na sa 3.97 milyon ang mga pasyenteng nakinabang sa Zero Balance Billing program, habang 1.71 milyon naman ang natulungan sa ilalim ng Medical Assistance to Indigent and Financially Incapacitated Patients program.
Bukod sa pagpapalakas ng serbisyong pangkalusugan, pinangunahan din ni Lagdameo ang inagurasyon ng Layawan Flood Control Project sa Oroquieta City bilang bahagi ng mga proyektong pang-imprastraktura sa lalawigan.
Sa kanyang mensahe, tiniyak ng Pangulo na magpapatuloy ang suporta ng pambansang pamahalaan sa mga lokal na pamahalaan upang mapahusay ang paghahatid ng serbisyo publiko at maisakatuparan ang mga kinakailangang proyektong pang-imprastraktura.
“Remember, you can count on your national government, through the Department of Health, to continue supporting you in this important work,” dagdag ng Pangulo.
Matatandaang nagsagawa na ng soft opening ang medical center noong unang bahagi ng Oktubre at kasalukuyan na itong tumatanggap ng mga pasyente.
Gayunman, nakabinbin pa ang pagproseso sa aplikasyon nito para sa accreditation ng Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth.

















