Nasawi ang isang 18-anyos na lalaki matapos pagbabarilin ng dalawang hindi pa nakikilalang suspek sa Barangay Olandang, Nabalawag, Special Geographic Area (SGA) ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), kahapon Nobyembre 5, 2026.
Kinilala ng Police Regional Office-BARMM ang biktima na si Morsid A. Lakiman, residente ng Sitio Alim, Barangay Kadingilan, Nabalawag.
Batay sa paunang impormasyon ng pulisya, dakong alas-1:20 ng hapon nang mangyari ang pamamaril habang nakaupo ang biktima sa kaniyang motorsiklo sa ilalim ng isang puno.
Ayon sa mga nakasaksi, dumating ang dalawang suspek na sakay ng magkahiwalay na motorsiklo na umano’y mga itim at pulang Honda CRF, saka pinagbabaril ang biktima bago tumakas.
Nakipag-ugnayan na din ang mga awtoridad sa mga karatig na himpilan ng pulisya at mga tauhan ng Armed Forces of the Philippines para sa dragnet at checkpoint operations upang matukoy at matunton ang mga suspek.
Patuloy pang inaalam ng pulisya ang motibo sa pamamaril.

















