Pinasalamatan ng Moro National Liberation Front (MNLF) si Bangsamoro Chief Minister Abdulraof A. Macacua kaugnay ng paglalabas nito ng Executive Order No. 0009, Series of 2026.
Sa pahayag na nilagdaan ni Shaykh Abdulkarim T. Misuari, Acting Chairman ng MNLF Central Committee, ipinahayag ng grupo ang suporta nito sa naturang kautusan na kinikilala umano ang mga sakripisyong inialay para sa Bangsamoro cause.
Itinuturing din ng MNLF na positibong hakbang ang inisyatiba tungo sa rehabilitasyon, kaunlaran at kapakanan ng mga komunidad sa Bangsamoro.
Umaasa rin ang grupo sa epektibong pagpapatupad ng kautusan sa pamamagitan ng moral governance, paggalang sa isa’t isa at pagtutulungan upang maisulong ang pagkakaisa, pangmatagalang kapayapaan at sustenableng pag-unlad sa rehiyon.
Ang pahayag ay inilabas sa ngalan ni MNLF Founding Leader at Central Committee Chairman Prof. Dr. Nur P. Misuari at ng iba pang pamunuan at miyembro ng organisasyon.

















