Iniimbestigahan na ng pulisya ang pagkakatuklas sa isang bagay na hinihinalang hand grenade sa bubong ng isang bahay sa Barangay Barurao, Sultan sa Barongis, Maguindanao del Sur.
Ayon sa Sultan sa Barongis Municipal Police Station (SSB MPS), natanggap nila dakong alas-7:40 ng umaga kahapon Nobyembre 6 ang ulat mula sa isang concerned citizen hinggil sa umano’y pampasabog na natagpuan sa bubong ng bahay ni Alyas Sali, residente ng naturang barangay.
Agad na rumesponde ang mga tauhan ng pulisya at kinumpirma ang presensya ng bagay na pinaghihinalaang hand grenade.
Sa paunang imbestigasyon, sinabi ni alyas Sali na nakita niya ang naturang bagay habang nakatayo malapit sa kanilang bahay.
Agad namang nagtatag ng security cordon ang mga tauhan ng pulisya katuwang ang 34th Infantry Battalion upang matiyak ang kaligtasan ng publiko at maiwasan ang paglapit ng mga hindi awtorisadong indibidwal sa lugar.
Nakipag-ugnayan na rin ang pulisya sa Provincial Tactical Operations Center at Explosive Ordnance Disposal (EOD) personnel ng Maguindanao del Sur Police Provincial Office para sa kaukulang paghawak at pagsusuri sa pinaghihinalaang pampasabog.
Hindi pa matukoy ang pinagmulan ng naturang bagay at patuloy ang kaukulang imbestigasyon.

















