Nagtatag si Bangsamoro Chief Minister Abdulraof “Sammy Gambar” Macacua ng isang bagong tanggapan na tututok sa pagpapalakas ng moral governance, pagsusulong ng pagkakaisa ng iba’t ibang pananampalataya, at pagpigil sa korapsyon sa pamahalaang Bangsamoro.
Sa ilalim ng Executive Order No. 10, Series of 2026, nilikha ang Office of the Senior Adviser to the Chief Minister (OSACM) na direktang sasailalim sa Office of the Chief Minister.
Magsisilbi itong strategic advisory body na magbibigay ng mga rekomendasyon sa Chief Minister hinggil sa mga polisiya, pamamahala, religious affairs at moral governance.
Kabilang sa mga tungkulin ng bagong tanggapan ang pagpapalakas ng ugnayan ng mga Muslim, Kristiyano at mga katutubo sa pamamagitan ng interreligious dialogue, katuwang ang Bangsamoro Darul-Ifta’, mga Ulama at mga lider ng iba’t ibang komunidad.
Tututukan din nito ang pagsusulong ng integridad at etikal na pamumuno sa burukrasya, gayundin ang pagbuo ng mga hakbang upang maiwasan ang katiwalian at mapalakas ang pananagutan sa pamahalaan.
Makikipag-ugnayan ang Office of the Senior Adviser to the Chief Minister sa Bangsamoro Internal Auditing Body, Bangsamoro Attorney General’s Office at iba pang kaugnay na institusyon para sa pagpapatupad ng mga hakbang laban sa korapsyon.
Samantala, inaasahang pipiliin ang itatalagang Senior Adviser mula sa hanay ng mga nakatataas na Ulama leader ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Ang pagtatatag ng tanggapan ay bahagi ng pangako ni Macacua na ipagpatuloy at palakasin ang moral governance na naging pangunahing adbokasiya rin ng dating Chief Minister Ahod “Al-Hajj Murad” Ebrahim.

















