Nangako si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na paiigtingin ang hakbang ng pamahalaan upang mapabilis ang pagtupad sa mga natitirang pangako sa ilalim ng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro (CAB).

Ito ay kasunod ng pakikipagpulong ng Pangulo sa mga lider ng Moro Islamic Liberation Front (MILF), na pinangunahan nina Chairman Al Haj Murad Ebrahim at Vice Chairman Mohagher Iqbal sa Malacañang noong Nobyembre 4, 2026.

Sa inilabas na pahayag ng MILF, kinilala umano ng Pangulo ang naging papel at pakikipagtulungan ng grupo sa pagsusulong ng proseso ng kapayapaan.

Kabilang sa mga usaping nais pabilisin ang pagpapatupad ng mga natitirang commitment sa ilalim ng CAB ang normalization, socioeconomic development, pagbabago at pagpapaunlad ng mga kampo ng MILF, security arrangements, transitional justice, reconciliation at confidence-building measures.

Binigyang-diin naman ng MILF na hindi lamang pormal na pagtatapos ng proseso ng kapayapaan ang layunin nito kundi ang ganap na pagsasakatuparan ng mga adhikain na naging batayan ng naturang kasunduan.

Umaasa ang grupo na magtutulungan ang dalawang panig upang ganap na maipatupad ang mga napagkasunduan sa CAB.