Sa pamamagitan ng Facebook post nito, agad na ipinag-utos ni Cotabato City Mayor Bruce Matabalao sa Public Safety Office o PSO at Traffic Management Center o TMC ang masinsinang imbestigasyon sa umano ay pagbabawal ng isang namamasahero sa loobang bahagi ng Bangsamoro Government Center o BGC sa mga motorcycle riders na tumatanggap ng booking sa loob.
Sa pahayag nito, hinamon ng alkalde at pinai-imbestigahan nito sa dalawang ahensya kung sapat ba ang autorisasyon o may pimanghahawakang kapangyarihan ang nasabing nagbabawal upang pigilan ang mga rider na hindi kaanib sa kanilang grupo na magsakay ng pasahero sa loob ng compound.
Naging mitsa ng nasabing pagpapaimbestiga ang nagviral na post ng isang vlogger-driver na namamasada sa lugar na walang patumanggang nag-anunsyo ng umano ay pagbabawal sa mga rider na hindi kabilang sa grupo ng mga drayber na magsakay sa loob ng mga pasahero sa BGC.
Hindi rin nakaligtas sa pagpapa-imbestiga ng alkalde ang pamasahe na sinisingil ng mga namamasada gayundin ang legalidad ng ipinapasada nitong mga yunit sa pamamagitan ng pagtingin sa kanilang rehistro at lisensya para makapagmaneho.
Giit ni Mayor Bruce, dapat umanong aksyunan ang nasabing reklamo upang hindi makapamerwisyo ng mga pasahero sa hinaharap.
Hinamon din ni Matabalao ang mga magmamatigas na sa oras na pigilan ng mga ito ang mga pasaherong sasakay sa mga rider na hindi kabilang sa grupo ng mga mamamasahero, siya na mismo ang makakaharap ng mga ito.

















