Ipinag-utos ni bagong Ministry of Basic, Higher and Technical Education (MBHTE) Minister Atty. Naguib Sinarimbo ang agarang imbestigasyon kaugnay ng mga ulat ng umano’y pagbebenta ng mga teaching position, trabaho at scholarship slots sa ilalim ng nasabing ministeryo.

Sa kanyang pahayag, sinabi ni Sinarimbo na sunod-sunod ang natanggap nilang reklamo at impormasyon mula sa social media at sa mga personal na lumalapit sa kanya mula nang maupo sa puwesto ngayong linggo.

Kabilang sa mga inirereklamo ang umano’y pagbebenta ng teaching positions o items, paniningil ng pera kapalit ng pangakong trabaho sa ministeryo, at pagbebenta ng mga scholarship slots.

Binigyang-diin ni Sinarimbo na hindi niya pahihintulutan ang ganitong mga gawain sa ilalim ng kanyang pamumuno at tiniyak na papatawan ng kaukulang parusa ang sinumang mapatunayang sangkot, anuman ang posisyon o impluwensiya nito.

Hinimok din ng bagong ministro ang publiko na direktang magsumite sa opisyal na Facebook page ng MBHTE ng mga impormasyon, personal na karanasan at anumang ebidensiyang may kaugnayan sa mga nasabing alegasyon.

Tiniyak naman niya na maingat na susuriin ang lahat ng matatanggap na reklamo at pangangalagaan ang pagkakakilanlan at personal na impormasyon ng mga magsusumbong alinsunod sa Data Privacy Act at iba pang umiiral na batas.