Nakiisa ang iba’t ibang sektor ng komunidad sa isinagawang Dugong Bombo 2026 noong Sabado, Nobyembre 14, sa KCC Mall of Cotabato, upang makatulong sa mga pasyenteng nangangailangan ng dugo.
Isinagawa ng Bombo Radyo Philippines at Bombo Radyo Foundation Inc., sa pakikiisa ng mga himpilan ng Star FM sa buong bansa at sa pakikipagtulungan ng Philippine Red Cross, ang bloodletting activity na may temang “A Little Pain, A Life to Gain.”
Kabilang sa mga nakibahagi si Sir Jay Ar Ramos mula sa Awang Dos, Maguindanao, na dalawang taon nang regular na nakikilahok sa Dugong Bombo bloodletting activity.
Ayon kay Ramos, bukod sa pagkakataong makatulong at makapagligtas ng buhay, partikular sa mga pasyenteng may cancer, nakikita rin niya ang blood donation bilang paraan upang masubaybayan ang sariling kalagayan ng kalusugan.
Samantala, sinabi naman ni Corporal Mark Pio Cataag ng 2nd Marine Rifle Battalion na isa sa mga dahilan ng kaniyang pagdo-donate ng dugo ay upang makatulong sa pagliligtas ng buhay, kabilang na ang mga kapwa sundalong maaaring mangailangan nito.
Ibinahagi rin ni Private First Class Vince Zahr E. Badso ng 1601st (MAG) Ready Reserve Infantry Battalion, 16th MANINDEG Regional Community Defense Group, Reserve Command, Philippine Army, ang kahalagahan ng pagbibigay ng dugo upang makatulong sa sinumang nangangailangan nito.
Habang binigyang-diin naman ni Police Staff Sergeant Alex L. Meraña ng PNP Aviation Security Unit-BAR ang kahalagahan ng naturang aktibidad sa pagpapalapit ng kapulisan sa komunidad.
Ayon kay Meraña, nagsisilbi rin itong pagkakataon upang maipakita sa publiko na handa silang lumapit at tumulong sa mga mamamayang nangangailangan.
Sa pamamagitan ng Dugong Bombo 2026, muling binigyang-diin ang kahalagahan ng boluntaryong pagbibigay ng dugo bilang isang paraan ng pagtulong at pakikiisa sa pagliligtas ng buhay.

















