Pinalalakas ng Ministry of the Interior and Local Government o MILG-BARMM ang pakikipagtulungan sa mga ahensya ng gobyerno at mga lokal na komunidad upang mapigilan ang paglaganap ng ilegal na droga sa Bangsamoro region.

Ito ay sa pamamagitan ng panukalang implementasyon ng 2026 Anti-Illegal Drugs Awareness and Advocacy Program na nakatuon sa pagpapalawak ng kaalaman at aktibong partisipasyon ng mga komunidad sa kampanya kontra droga.

Bilang paghahanda, nagsagawa ang Public Safety Division ng MILG-BARMM ng coordination meeting kasama ang mga katuwang na ahensya at stakeholders noong Nobyembre 12 upang talakayin ang mga nakatakdang aktibidad at paraan ng kanilang pagtutulungan.

Pinangunahan ang pagpupulong ni Interior Affairs Services Director II Atty. Marvin D. Mokamad, kasama si Public Safety Division Chief Michael I. Laguilay at mga kinatawan ng Philippine National Police, Bureau of Jail Management and Penology, Ministry of Health, mga lokal na pamahalaan at iba pang ahensya.

Sa naturang pagpupulong, binigyang-diin ang kahalagahan ng edukasyon, pagpapalaganap ng impormasyon at pakikilahok ng mga residente, sa halip na umasa lamang sa pagpapatupad ng batas upang matugunan ang problema sa ilegal na droga.

Ayon kay Mokamad, tinatayang 70 porsyento ng mga kasong kriminal ay may kaugnayan sa ilegal na droga, dahilan upang higit pang paigtingin ang mga programang nakatuon sa pag-iwas at pagtugon sa naturang problema.

Kabilang sa mga panukalang aktibidad ang isang araw na Provincial/City-Level Anti-Illegal Drugs Awareness Activity na target isagawa sa unang linggo ng Disyembre 2026, kung saan inaasahang lalahok ang humigit-kumulang 150 stakeholders mula sa mga lokal na komunidad.

Sa pamamagitan ng naturang programa, layon nito na mas mapalawak ang papel ng mga barangay at mamamayan sa pagpigil sa ilegal na droga at pagbuo ng mas ligtas na mga komunidad sa rehiyon.