Pormal nang ipinasa ni dating Labor Minister Muslimin “Bapa Mus” Sema ang pamumuno sa Ministry of Labor and Employment o MOLE kay bagong talagang Labor Minister at Bangsamoro Parliament Member Atty. Kitem Kadatuan Jr. sa isinagawang turnover ceremony ngayong Lunes, Nobyembre 16.
Layunin ng bagong pamunuan na ipagpatuloy ang mga nasimulang programa ng ministeryo, partikular sa pagpapalawak ng oportunidad sa trabaho at pagsusulong ng kapakanan ng mga manggagawang Bangsamoro.
Sa kaniyang mensahe, pinasalamatan ni Bangsamoro Director General Surab Abutazil Jr. sina Sema at Deputy Minister Tommy Nawa sa kanilang naging pamumuno at ambag sa ministeryo.
Sa kaniyang talumpati, sinabi ni Sema na naging mahalaga ang pagtutulungan at tiwala sa pagitan ng mga opisyal at kawani sa pagpapatupad ng mga programa ng MOLE sa loob ng kaniyang apat na taong panunungkulan.
Nagpahayag din ito ng kumpiyansa na mas marami pang maisasakatuparan ang ministeryo sa ilalim ng bagong pamumuno ni Kadatuan Jr.
Samantala, tiniyak ni Kadatuan Jr. na ipagpapatuloy ng kaniyang administrasyon ang mga nasimulan at programang ipinatupad ng dating pamunuan, kasabay ng pagpapalakas sa mga serbisyo ng MOLE.
Binigyang-diin naman ni Deputy Minister Engr. Dimaporo Diocolano na kabilang sa mga prayoridad ng ministeryo ang pagpapalawak ng suporta sa mga manggagawang Bangsamoro, kabilang ang mga dating combatant mula sa Moro Islamic Liberation Front o MILF at Moro National Liberation Front o MNLF.
Kabilang sa mga layunin ng bagong pamunuan ang pagpapalawak ng oportunidad sa trabaho, pagsusulong ng kapakanan ng mga manggagawa, at pagpapatuloy ng mga programang magbibigay ng benepisyo sa mga mamamayan ng Bangsamoro.

















