Nagpaabot ng pakikiramay at nanawagan ng tulong-pinansyal ang mga dating kaklase ni Jemson Ferraren upang makatulong sa gastusin sa kaniyang libing at iba pang kinakailangang paghahanda ng pamilya.

Sa isang mensaheng inilabas ng JOMEX Batch 2015, inalala ng grupo si Ferraren, na mas kilala nila sa palayaw na “Son,” bilang isang masayahin, palabiro, at masipag na mag-aaral noong kanilang mga araw sa seminaryo.

Ayon sa kanilang pagbabalik-tanaw, pursigido si Ferraren sa kaniyang pag-aaral at nangangarap na makapagtapos nang may karangalang Cum Laude.

Bukod dito, nakilala rin umano siya sa kaniyang masayahing personalidad at nakatatawang mga kilos na nagbigay-saya sa kaniyang mga kaibigan, dahilan upang tawagin siyang “Mr. Cute.”

Binigyang-diin ng kaniyang mga dating kaklase na mananatili sa kanilang alaala ang masasayang sandaling pinagsaluhan nila at ang pagkakaibigang nabuo noong kanilang kabataan.

Kaugnay nito, humihingi sila ng anumang halaga ng donasyon para makatulong sa gastusin sa libing ni Ferraren, at tiniyak na ang lahat ng malilikom na tulong ay ibibigay sa kaniyang pamilya.

Maaaring ipadala ang donasyon sa GCash account ni Edison Amiel Cadungog, kinatawan ng kanilang batch, sa numerong 09566934890.

Hiniling din ng grupo ang mga dasal at pakikiramay para sa naulilang pamilya at mga mahal sa buhay ni Ferraren.