Nasawi ang isang 44-anyos na lalaki habang sugatan naman ang isang menor de edad matapos pagbabarilin ng dalawang hindi pa nakikilalang suspek sa Barangay Bulalo, Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte, alas-8:10 kagabi Nobyembre 18.

Kinilala ng pulisya ang nasawi na si Akmad Adam Kasan, residente ng Barangay Bulalo Extension, habang sugatan naman ang isang menor de edad na kinilala sa alyas na “Princess.”

Batay sa paunang imbestigasyon ng Sultan Kudarat Municipal Police Station, kumakain ng meryenda ang biktima sa tabi ng isang tindahan habang naroon din ang menor de edad nang dumating ang dalawang suspek na sakay ng motorsiklong Kawasaki Bajaj at pinagbabaril ang lalaki.

Tinamaan din ng ligaw na bala ang menor de edad na agad namang isinugod sa pinakamalapit na ospital para malapatan ng lunas.

Narekober sa pinangyarihan ng krimen ang limang basyo ng bala na pinaniniwalaang mula sa kalibre 9mm na baril na ginamit ng mga suspek.

Agad namang tumakas ang mga salarin patungo sa direksyon ng Cotabato City o sa rutang palabas ng Sultan Kudarat.

Patuloy ang isinasagawang dragnet operations at intelligence gathering ng mga awtoridad sa pakikipag-ugnayan sa Philippine Army upang matukoy ang pagkakakilanlan at maaresto ang mga suspek na nananatiling nakatakas.

Inaalam pa ng pulisya ang motibo sa pamamaril.