Winasak ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-BARMM ang mahigit P51-milyong halaga ng mga nakumpiskang iligal na droga at mahigit P515,000 halaga ng mga expired na gamot sa isinagawang thermal destruction noong Nobyembre 18 sa Barangay Simuay, Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte.
Kabilang sa mga winasak ang 7,443.2491 gramo ng methamphetamine hydrochloride o shabu at 605.8562 gramo ng marijuana na may pinagsamang tinatayang halaga na P51,202,784.
Kasama ring isinailalim sa thermal destruction ang mga expired na gamot na nagkakahalaga ng P515,987.38.
Isinagawa ang pagsira sa pamamagitan ng 5.5-megawatt boiler upang matiyak ang wastong pagtatapon sa mga nakumpiskang kontrabando at maiwasan ang muling pagkalat o paggamit sa mga ito.
Pinangunahan ni PDEA-BARMM Regional Director DIR III George Paul P. Alcovindas ang aktibidad na nasaksihan ng mga kinatawan mula sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan, law enforcement agencies, media organizations at mga lokal na opisyal.
Nagsilbing panauhing pandangal at tagapagsalita si Regional Trial Court Branch 14 Presiding Judge Bai Ashrafia Aymee A. Biruar.

















