Nagbabala ang BIAF-MILF 131st Base Command – North Western Mindanao Front laban sa hindi awtorisadong paggamit ng pangalan at uniporme nito sa mga pagtitipon, aktibidad, programa at pagpapalaganap ng impormasyon.
Sa isang pahayag na iniutos ni Front Commander Hadji Abdullah Bravo G. Macapaar, iginiit na kinakailangang kumuha muna ng kaukulang pahintulot at sumailalim sa beripikasyon mula sa kinauukulang tanggapan ang sinumang nais gumamit sa pangalan ng nasabing base command.
Binigyang-diin din sa pahayag na hindi kinikilala bilang awtorisadong kinatawan ang sinumang indibidwal o grupong gumagamit sa pangalan nito nang walang opisyal at wastong pahintulot.
Dahil dito, hinimok ang publiko na tiyaking beripikado ang pinagmulan ng mga anunsyo, programa at impormasyong iniuugnay sa nasabing tanggapan upang maiwasan ang pagkalat ng hindi beripikadong impormasyon.
Hiniling din sa publiko na agad iulat sa kinauukulang tanggapan ang anumang insidente ng hindi awtorisadong paggamit sa pangalan o uniporme ng base command upang mabigyan ito ng kaukulang pagsusuri at aksiyon.

















