Namahagi ng tig-P10,000 na cash assistance ang tanggapan ni dating Bangsamoro Parliament Member Atty. Suharto “Teng” Ambolodto sa 29 na mangingisda sa Maguindanao del Sur upang magsilbing karagdagang puhunan sa pagtatayo ng maliliit na negosyo at pagpapalawak ng kita ng kanilang mga pamilya.
Isinagawa ang ceremonial turnover noong Nobyembre 18, 2026, sa conference room ng Ministry of Agriculture, Fisheries and Agrarian Reform o MAFAR sa Cotabato City, para sa mga miyembro ng Dimalbas Fisherfolk Association at Makamangon na Lumpukan Fishers Cooperative.
Ayon sa tanggapan ni Ambolodto, gagamitin ang puhunan sa pagbili at pagbebenta ng sariwang isda at pagproseso nito bilang dried fish o daing, na magbibigay rin ng pagkakataong makapagnegosyo ang mga asawa ng mga mangingisda.
Bahagi ang inisyatiba ng Digital Village Initiative ng Food and Agriculture Organization o FAO, na ipinatutupad katuwang ang MAFAR at Bangsamoro Information and Communications Technology Office o BICTO.
Samantala, sinabi ng benepisyaryong si Sakina Guiamadil na makatutulong ang ayuda upang magkaroon ng karagdagang pagkakakitaan ang mga kababaihan at makatulong sa gastusin ng kanilang pamilya.
Nasaksihan naman ni MAFAR Minister Atty. Ishak V. Mastura ang pamamahagi, kasama ang mga opisyal ng MAFAR, FAO at BICTO.

















