Mistulang naging banderitas pang fiesta na nakasabit sa puno ang sinapit ng isang driver ng Bajaj Motorcycle matapos na mabangga ito ng isang sasakyan sa Highway ng Purok Singco, Bialong sa bayan ng M’lang North Cotabato kahapon ng hapon.

Kinilala ang biktima na si Jesus Tubigan, 60 years old at residente ng Barangay Ugpay habang ang driver naman ng sasakyan kinilalang si Pastor Lito Dalisay na ayon sa ulat ay pauwi na sana ng M’lang nang maganap ang kahindik-hindik na trahedya.

Sa salaysay ng mga nakasaksi, pumutok umano ang front tire ng sasakyan ni Pastor Dalisay at saktong paparating sa kabilang linya ng highway ang motorsiklo ng biktima.

Dahil sa tindi ng impact, mistulang nilipad at tumilapon si Tubigan at sumabit sa puno habang ang angkas nito ay tumilapon din.

Dead on the spot si Tubigan habang kritikal sa ospital ang angkas nito habang ang pastor naman ay nilalapatan ng paunang lunas sa ospital.

Patuloy pa rin ang imbestigasyon sa insidente.