Matapos ang sunud-sunod na insidente ng pamamaril sa lungsod, mariing inatasan ni Cotabato City Mayor Bruce Dela Cruz Matabalao ang City PNP na magsagawa ng masusing imbestigasyon at pursuit operations laban sa mga nasa likod ng mga krimen.

“Tinitiyak natin na hindi pinababayaan ang seguridad ng lungsod. May mga masasamang loob na nakakatiyempo upang maisagawa ang kanilang krimen, ngunit hindi tayo titigil hangga’t hindi natin sila napapanagot,” ani ng alkalde.

Pinabulaanan din ni Mayor Matabalao ang mga paratang na walang naisasarang kaso ang kapulisan.

Ayon sa kanya, inatasan na niya si City Director PCol Jibin Bongcayao na ilahad sa publiko ang status ng mga kaso upang maging malinaw ang resulta ng mga imbestigasyon.

Hinikayat naman ng alkalde ang mga pamilya ng biktima at iba pang may impormasyon na makipagtulungan sa awtoridad upang mapabilis ang paglutas ng mga kaso.

Bilang bahagi ng hakbang para sa seguridad ng lungsod, nagpatawag si Mayor Matabalao ng isang Peace and Order Council Meeting sa darating na Huwebes upang talakayin ang mga nararapat na aksyon.

“Huwag nating hayaang magamit sa pamumulitika ang isyung ito. Ang ating layunin ay kapayapaan at hustisya para sa lahat,” dagdag pa niya.

Patuloy namang pinaigting ng mga awtoridad ang seguridad sa lungsod upang tiyakin ang kaligtasan ng mga mamamayan.