Isang tatlong taong gulang na batang lalaki ang pumanaw sa hindi maipaliwanag na dahilan sa Barangay Butilen, Mother Kabuntalan, Maguindanao del Norte, kamakalawa ng gabi. Ang insidente ay nagdulot ng matinding pangamba sa komunidad matapos itong iugnay ng ilang residente sa mga pinaniniwalaang aswang.
Ayon sa lolo ng biktima, nagising sila nang marinig ang iyak ng bata, na noo’y nangingitim ang dalawang hita at hirap na hirap umihi. Napansin din umano nito ang tatlong maiitim na anino na tila papalayo mula sa kanilang tahanan.
Kinabukasan, habang iniinspeksyon ang paligid, natuklasan ng pamilya ang mga bakas ng tila mahahabang kuko malapit sa kanilang tahanan. Dagdag pa rito, sinabi ng lolo na naramdaman nilang may malakas na pagbagsak sa kanilang bubong bago tuluyang binawian ng buhay ang bata.
Nagulantang din ang buong komunidad nang ilang bata sa paligid ang biglaang nagsuka, dahilan upang umugong ang usap-usapan na maaaring may kinalaman ang mga ito sa misteryosong insidente.
Sa ngayon, patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang tunay na sanhi ng pagkamatay ng bata. Wala pang opisyal na pahayag mula sa mga eksperto kung may likas na medikal na dahilan ito o kung may basehan ang mga haka-hakang may kinalaman ito sa mga elemento ng kababalaghan.