Pormal nang nilagdaan ang Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Bangsamoro Autonomy Act No. 62 (BAA 62), ang batas na kumikilala at nagtataguyod sa mga karapatan ng Internally Displaced Persons (IDPs) sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Ayon kay BARMM Chief Minister Ahod Ebrahim, ang pagpapatibay ng IRR ay isang mahalagang hakbang upang mapalakas ang proteksyon at mapatatag ang karapatan ng mga IDPs sa rehiyon.

Dagdag pa niya, magsisilbi itong pundasyon para sa mas matibay na solusyon sa suliranin ng displacement sa BARMM.

Binigyang-diin din ng liderato ng BARMM na ang pagpapatupad ng batas ay hindi lamang isang pangako kundi isang kongkretong hakbang upang matugunan ang pangmatagalang pangangailangan ng mga pamilyang naapektuhan ng sapilitang paglikas.

Tiniyak naman ng gobyerno ng Bangsamoro na ang mga probisyon ng BAA 62 ay ipatutupad nang maayos at epektibo upang matiyak ang kapakanan ng mga IDP sa rehiyon.