May bagong pinuno ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) matapos italaga ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. si Maguindanao del Norte Governor Abdulraof “Sammy Almansoor/Gambar” Macacua bilang bagong Chief Minister ng rehiyon.

Kinumpirma ang naturang appointment ng Presidential Communications Office (PCO) sa pamamagitan ni Undersecretary at Press Officer Atty. Claire Castro, ayon sa ulat ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ) ngayong araw ng Linggo.

Papalitan ni Macacua si Ahod “Al Haj Murad” Balawag Ebrahim, na siyang nanungkulan bilang Chief Minister mula nang maitatag ang BARMM noong 2019 bilang bahagi ng peace agreement sa pagitan ng gobyerno at ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).

Si Macacua ay kilalang personalidad sa Bangsamoro leadership at kasalukuyang nanunungkulan bilang gobernador ng Maguindanao del Norte. Bukod dito, siya rin ang kasalukuyang hepe ng Bangsamoro Islamic Armed Forces (BIAF), ang armadong puwersa ng MILF, at isa sa mga pangunahing lider na naging bahagi ng negosasyon at implementasyon ng Bangsamoro peace process.

Ang pagkakatalaga kay Macacua ay inaasahang magdudulot ng bagong direksyon sa pamamahala ng BARMM habang patuloy na isinusulong ang kapayapaan, kaunlaran, at political transition sa rehiyon.

Wala pang opisyal na pahayag mula kay dating Chief Minister Ebrahim ukol sa kanyang kapalit, ngunit inaasahang magkakaroon ng pormal na turnover sa mga susunod na araw.