Pormal nang kinumpirma ng Bangsamoro Government ang pagtatalaga kay Hon. Abdulraof A. Macacua bilang bagong Interim Chief Minister ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), kapalit ni Hon. Ahod B. Ebrahim.

Nagpahayag ng taos-pusong pasasalamat ang pamahalaan kay outgoing Chief Minister Ebrahim sa kanyang pamumuno na nagdala ng makabuluhang pagbabago sa rehiyon. Sa kanyang pangunguna, mas tumatag ang pagkakaisa ng mga komunidad, lumawak ang mga programang nakatuon sa mamamayan, bumaba ang antas ng kahirapan, at mas pinagtibay ang pundasyon ng pamahalaang Bangsamoro.

Sa pagbabagong ito, makakapagpokus na si Chief Minister Ebrahim sa paghahanda para sa unang halalan ng Bangsamoro Parliament ngayong Oktubre, bilang Chairman ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Presidente ng kanilang partidong politikal.

Tiniyak ng Bangsamoro Government na magiging maayos at tahimik ang transisyon, at hindi maaantala ang serbisyo at programa para sa mamamayang Bangsamoro.

Tinanggap din ng pamahalaan ang mga bagong itinalagang Members of Parliament na may mahalagang papel sa pagtatapos ng mga natitirang batas at prayoridad sa transisyon.

Sa huling yugto ng transition period, nananawagan ang Bangsamoro Government sa lahat na manatiling nagkakaisa sa pagsusulong ng mabuting pamamahala, katarungan, kapayapaan, at mas maliwanag na kinabukasan para sa Bangsamoro.