Nasawi ang isang guro at ang kanyang buntis na misis matapos pagbabarilin ng mga armadong lalaki sa loob ng kanilang computer shop sa Poblacion, Matalam, Cotabato nitong nakaraang araw.
Kinilala ng Matalam Municipal Police Station ang mga biktima na sina Eliser “Esing” Sugaste, guro sa Matalam National High School, at ang kanyang maybahay na si Lalaine Valdez Sugaste.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon, pinasok umano ng mga suspek ang computer shop ng mag-asawa na malapit lamang sa estasyon ng pulisya. Agad na pinaputukan ang dalawa, at kinuha pa ang kanilang motorsiklo bago tumakas sa hindi pa matukoy na direksyon.
Agad isinugod sa pinakamalapit na ospital ang mga biktima, ngunit parehong idineklarang dead on arrival ng mga doktor.
Sa ngayon, nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang motibo sa likod ng krimen at mahuli ang mga salarin.