Nakatakda nang iuwi ngayong Lunes, Hunyo 2, sa kanilang mga tahanan sa Batangas ang mga labi ng tatlong lalaking natagpuang bangkay sa isang taniman ng goma sa Barangay Nabundas, Shariff Saydona Mustapha, Maguindanao del Sur nitong nagdaang weekend.
Ayon kay PCPT. Guiseppe Tamayo, tagapagsalita ng Maguindanao del Sur Police Provincial Office, luluwasin mula sa Awang Airport sakay ng C-130 aircraft ang mga labi nina John Luis Olarte, Gerry Olarte, at Ronald Alumno.
Sasalubungin naman ito ng kanilang mga kaanak sa Villamor Airbase sa Pasay City bago tuluyang ibiyahe patungong Batangas.
Samantala, patuloy na nananawagan ng hustisya ang mga naulilang pamilya. Hiling nila ang agarang pagkakakilanlan at pagpaparusa sa mga nasa likod ng karumal-dumal na krimen.