Naisakay na kaninang tanghali sa isang C130 plane mula Awang Airport ang mga labi ng tatlong negosyanteng taga-Calatagan, Batangas na dinukot at pinaslang sa Shariff Saydona Mustapha, Maguindanao del Sur.

Ang mga biktima, na nahukay noong Biyernes sa isang rubber plantation sa Barangay Nabundas, ay inaasahang lalapag sa Villamor Airbase ngayong hapon. Nakaantabay na rin doon ang kanilang mga kaanak upang salubungin ang mga labi ng kanilang mahal sa buhay.

Matatandaang ang tatlo ay iniulat na nawawala matapos makipagtransaksyon sa isang residente sa lugar kaugnay ng pagbebenta ng mga hybrid na kambing para sa breeding. Ayon sa mga ulat, dinukot ang mga biktima ng limang armadong lalaki, ginapos, pinaslang, at ibinaon sa mababaw na hukay.

Patuloy ang imbestigasyon ng PNP-BARMM at Maguindanao del Sur Provincial Police upang tugisin ang mga nasa likod ng karumal-dumal na krimen. Lumutang din ang pangalan ng isang “Khomeini Bunsuan Tan” bilang umano’y huling ka-transaksyon ng mga biktima.