Sugatan ang isang batang lalaki at ilang sibilyan matapos ang pag-atake ng hindi pa nakikilalang armadong grupo sa Barangay Mother Poblacion, kagabi.
Sa Facebook post ni Shariff Aguak Councilor Hadji Oping Ampatuan, makikita ang video ng insidente kung saan makailang beses narinig ang malalakas na pagsabog at putok ng baril. Ayon sa opisyal, tinamaan ng mga shrapnel ang ilang kabahayan, dahilan upang masaktan ang ilang residente, kabilang na ang isang bata.
Agad namang narespondehan ang mga sugatan at dinala sa pinakamalapit na pagamutan para gamutin. Hindi pa batid ang kanilang kasalukuyang kondisyon habang patuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad.
Hindi rin malinaw sa ngayon kung anong grupo ang responsable sa pag-atake at kung ano ang motibo sa likod nito. Samantala, nanawagan si Councilor Ampatuan ng agarang aksyon mula sa mga kinauukulan upang matiyak ang seguridad ng mga residente sa lugar.
Patuloy na mino-monitor ang sitwasyon ng lokal na pamahalaan at mga law enforcement agencies upang maiwasan ang posibleng paglala ng tensyon sa lugar..