Isang 19-anyos na dalagita ang nasawi matapos makagat ng bubuyog sa noo habang nasa kanilang bakuran sa Barangay Tamban, Malungon, Sarangani nitong Biyernes, Hunyo 19.

Kinilala ang biktima na si Krizel Abayon, na idineklarang dead on arrival sa ospital matapos mahirapang huminga at mawalan ng malay habang isinusugod ng kaniyang mga magulang.

Kumpirmado ng Malungon Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office na may matinding allergy sa kagat ng insekto si Abayon, batay na rin sa salaysay ng kaniyang mga magulang.

Ayon sa ama ng biktima, agad nila itong pinainom ng anti-allergy tablet matapos makagat ng bubuyog, pero hindi na ito umepekto. Ilang minuto lang ang lumipas, bigla na itong bumagsak at nawalan ng malay habang hirap na humihinga.

Hindi na ito umabot nang buhay sa ospital.