Sugatan ang isang Grade 11 student matapos saksakin ng isang Grade 12 student sa Barangay Kawit, Pagadian City.

Kinilala ang biktima sa alyas “Mark,” isang estudyante ng Zamboanga del Sur School of Arts and Trade. Ayon sa imbestigasyon, nag-ugat umano ang insidente sa isang pagtatalo sa kanilang group chat na nauwi sa matinding alitan.

Dahil dito, hinintay umano ng suspek ang biktima at agad itong sinaksak sa tagiliran. Agad namang naisugod sa ospital ang biktima at kasalukuyan nang nasa maayos na kalagayan.

Samantala, tumakas ang suspek matapos ang krimen at patuloy pa rin itong pinaghahanap ng mga awtoridad.

Patuloy rin ang isinasagawang imbestigasyon ng mga pulis upang alamin ang ugat ng pananaksak at upang mapanagot ang salarin.