Patay sa insidente ng pamamaril ang isang Ustadz sa Barangay Ladtingan, Pikit, North Cotabato ngayong tanghali ng Martes, Hulyo 29, 2025.

Kinilala ang biktima na si Ustadz Montasir H. Usaman Haron, residente ng Barangay Manaulanan, Tugunan, Special Geographic Area (SGA), BARMM.

Batay sa paunang ulat, sakay ng kanyang single motorcycle ang Ustadz at binabaybay ang lugar nang bigla na lamang siyang pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang salarin. Dead on the spot ang biktima dahil sa mga tinamong tama ng bala.

Ayon sa mga nakakakilala sa kanya, isang mabait, mapagpakumbaba, at respetadong tao si Ustadz Montasir, kaya’t labis ang pagkagulat at dalamhati ng mga kaibigan at kaanak sa sinapit nito.

Patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang motibo sa krimen at pagkakakilanlan ng suspek.