“Sorry na lang.”
Ito ang naging tugon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga kaalyado niyang mahuhuling sangkot sa paglustay ng pondo ng gobyerno.
Sa pinakabagong episode ng kanyang podcast, inamin ng Pangulo ang matinding pagkabahala sa lumalalang anomalya at korapsyon na bumabalot sa mga flood control project sa bansa.
Binatikos niya ang mga proyektong palpak, gawa-gawa lang, at mga hindi pa tapos ay sira na agad.
Mariin ding sinabi ni Marcos na hindi niya palalagpasin, kahit pa kaalyado niya sa pulitika, ang sinumang mapatunayang sangkot sa mga raket at kickback sa mga proyekto.
Kinondena ng Pangulo ang mga opisyal na inuuna ang pansariling interes at nakikipagsabwatan para pagnakawan ang kaban ng bayan.
Aniya, sila ang dapat mahiya sa mga Pilipinong paulit-ulit na binabaha at sa mga kabataang mapipilitang magbayad ng utang ng bansa dulot ng kanilang korapsyon.
Inatasan na ni Marcos ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na magsumite ng listahan ng lahat ng flood control projects sa nakalipas na tatlong taon upang maimbestigahan at ma-audit.
Handa rin umano siyang ilahad sa publiko ang resulta ng mga dokumentong ipinasusumite niya sa DPWH.