Inaresto ang apat na indibidwal, kabilang ang isang menor de edad, sa ikinasang anti-illegal drug operation ng Cotabato City Police Station 2 sa Barangay Rosary Heights 9 nitong hapon ng Martes, August 5, 2025.

Kinilala ang mga suspek sa mga alyas na “Ren,” 21-anyos; “Ed,” 42-anyos; “Mar,” 34-anyos; at isang 16-anyos na estudyante. Ayon sa pulisya, isa sa kanila ang naaktuhang nagbebenta ng hinihinalang shabu, dahilan upang agad silang dakpin.

Narekober sa operasyon ang isang sachet ng hinihinalang shabu, marked money, at ilang drug paraphernalia.

Nadiskubre rin ng mga otoridad na ginagamit umanong drug den ang bahay na tinutuluyan ng ilan sa mga suspek—na matagal nang inirereklamo ng mga residente sa lugar.

Nasa kustodiya na ngayon ng pulisya ang mga naaresto at nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.