Nanawagan si TINGOG Party-list Representative at House Committee on Higher and Technical Education Chairperson Jude Acidre na ituloy na ang proseso ng impeachment laban kay Vice President Sara Duterte ngayong maayos na at matatag na ang liderato ng Senado.

Ayon kay Acidre, hindi na dapat paantalahin ang pagdinig sa impeachment case dahil mahalagang mapanatili ang tiwala ng publiko sa pamahalaan at sa mga institusyong demokratiko ng bansa.

Binigyang-diin ng mambabatas na likas sa isang demokratikong lipunan ang pagkakaroon ng magkakaibang pananaw, ngunit hindi ito dapat maging dahilan upang maudlot, mapulitika, o malihis ang takbo ng proseso.

Aniya, mahalagang maisagawa ang pagdinig sa isang patas, organisado, at kapani-paniwalang paraan upang mabigyan ng sapat na pagkakataon ang magkabilang panig na iharap ang kanilang mga ebidensya at paliwanag, habang nasasagot din ang mga katanungan ng publiko.

Pinaalalahanan din ni Acidre na ang impeachment ay dapat nakabatay sa mga katotohanan at ebidensya, at hindi sa impluwensya ng pulitika, presyur, o ingay ng opinyon ng publiko.

Dagdag pa niya, higit pa sa kapalaran ng isang opisyal ang nakataya sa usaping ito, dahil magsisilbi rin itong pagsubok sa kakayahan ng mga batas at institusyon ng bansa na magpatupad ng katarungan sa mahinahon at makatarungang pamamaraan.