Ilang domestic flights papunta at palabas ng General Santos City ang pansamantalang kinansela hanggang June 11, 2026 kasunod ng malakas na magnitude 7.8 na lindol na tumama sa Sarangani Province kahapon, June 8.
Apektado sa kanselasyon ang mga biyahe ng Cebu Pacific at Philippine Airlines mula at patungong Maynila, Cebu, at Iloilo dahil sa limitadong operasyon sa General Santos Airport.
Sa advisory ng Cebu Pacific, suspendido ang flights na Cebu–General Santos–Cebu at Manila–General Santos–Manila noong June 9 at 10. Hindi rin matutuloy ang rutang Iloilo–General Santos–Iloilo sa June 10.
Samantala, inanunsyo rin ng Philippine Airlines ang kanselasyon ng kanilang Manila–General Santos–Manila at Cebu–General Santos–Cebu flights mula June 9 hanggang June 11.
Ayon sa mga awtoridad, naapektuhan ng lindol ang operasyon sa paliparan kaya pansamantalang nilimitahan ang paglipad ng mga commercial aircraft habang isinasagawa ang assessment at iba pang safety checks.
Sa ngayon, military, government, at humanitarian flights pa lamang ang pinapayagang bumiyahe upang mapabilis ang pagdadala ng ayuda at iba pang relief operations sa mga lugar na naapektuhan ng lindol.
Pinapayuhan naman ang mga pasahero na makipag-ugnayan sa kani-kanilang airline para sa rebooking, refund, at iba pang updates kaugnay ng kanilang biyahe.

















