Isang sundalo ng Philippine Army at isang volunteer teacher ang nasawi matapos tambangan ng mga hindi pa nakikilalang armadong kalalakihan ang convoy ng militar sa Barangay Lamin, Malabang, Lanao del Sur noong Sabado, June 27.

Kinilala ang mga biktima na sina Corporal Jayson Castro, miyembro ng Philippine Army at residente ng Molave, Zamboanga del Sur, at si Hapipa Saripada Macadato, 23-anyos, isang lisensyadong guro at volunteer teacher ng Ministry of Basic, Higher and Technical Education o MBHTE-BARMM na residente ng Barangay Punong, Picong, Lanao del Sur.

Batay sa paunang imbestigasyon, pauwi na sa kanilang kampo ang convoy ng militar matapos magsagawa ng area security operation sa Barangay Baraas nang pagbabarilin ito ng tinatayang sampung armadong lalaki habang binabaybay ang Barangay Lamin bandang alas-5:00 ng hapon.

Nasawi sa naturang pag-atake si Corporal Castro, habang sugatan naman ang drayber ng sasakyan. Nakaligtas naman ang limang miyembro ng Civilian Armed Force Geographical Unit Active Auxiliary o CAFGU-CAA na kasama sa convoy.

Samantala, wala umanong kinalaman sa operasyon ng militar si Macadato. Ayon sa mga awtoridad, pauwi na siya sakay ng isang payong-payong nang tamaan ng ligaw na bala sa likod ng ulo habang nagaganap ang palitan ng putok. Idineklara siyang dead on arrival ng mga rumespondeng awtoridad.

Mariing kinondena ng MBHTE-BARMM ang pagkamatay ng volunteer teacher at inilarawan ito bilang isang malaking kawalan hindi lamang sa kanyang pamilya kundi maging sa sektor ng edukasyon. Ayon sa ministeryo, ang dedikasyon ni Macadato sa pagtuturo at paglilingkod sa komunidad ay sumasalamin sa mga pagpapahalaga ng kapayapaan, pag-asa, at serbisyong publiko.

Nanawagan din ang MBHTE sa mga kinauukulang ahensya na magsagawa ng mabilis, patas, at masusing imbestigasyon upang mapanagot ang lahat ng nasa likod ng insidente. Iginiit din ng ministeryo na dapat maprotektahan ang mga guro at education workers upang magampanan nila ang kanilang tungkulin nang ligtas at malaya sa anumang uri ng karahasan.

Samantala, patuloy ang hot pursuit operation ng pulisya at militar laban sa mga suspek. Inaalam na rin ng mga imbestigador ang motibo ng pananambang habang isinasailalim sa forensic examination ang mga ebidensyang narekober sa lugar ng insidente, kabilang ang mga basyo ng bala at isang hindi sumabog na rifle grenade.