Binawian ng buhay ang isang 26-anyos na babae matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang mga salarin sa RH-11, San Pablo, Cotabato City nitong gabi ng Biyernes, Mayo 29, 2026.
Kinilala ang biktima na si Marian Mansañarez, pansamantalang residente ng RH-11 San Pablo, Cotabato City at may permanenteng tirahan sa Midsayap, North Cotabato.
Sa ulat, alas-8:05 ng gabi nang makatanggap ng tawag ang Cotabato City Police Office mula sa Primera Police Volunteer Post hinggil sa naganap na pamamaril.
Agad namang rumesponde ang mga tauhan ng Police Station 2 sa pangunguna ni PMAJ Tugaya Z. Alfonso, station commander, dakong alas-8:08 ng gabi upang magsagawa ng imbestigasyon.
Batay sa paunang imbestigasyon, nasa loob umano ng tindahan ng kanyang matalik na kaibigang si Rea Mendopalaw ang biktima nang lapitan at pagbabarilin ng suspek.
Tinamaan ang biktima sa kaliwang bahagi ng dibdib, kanang binti, kaliwang “ribs”, ibabang bahagi ng tiyan at kaliwang balikat.
Ayon sa pulisya, dalawang lalaki ang sangkot sa insidente na sakay ng kulay itim at “orange” na Honda Click na may hindi pa matukoy na plaka.
Nakasuot umano ng itim na jacket ang driver habang kulay abo naman ang suot ng pinaniniwalaang gunman.
Narekober sa pinangyarihan ang apat na basyo ng bala na hinihinalang mula sa kalibre .45 na baril.
Isinugod pa ang biktima sa Cotabato Regional and Medical Center ng kanyang nobyong si Mansor T. Ampatuan ngunit idineklarang dead on arrival ng attending physician.
Tinututukan ng mga awtoridad ang anggulong personal grudge o posibleng love triangle bilang motibo sa pamamaril.
Nagsagawa na rin ng lockdown operation at hot pursuit operation ang mga pulis habang hiniling ang tulong ng Regional Forensic Unit-BAR para sa pagproseso sa crime scene.
Patuloy ang imbestigasyon para sa pagkakakilanlan at agarang pag-aresto sa mga suspek.

















