Patuloy na lumalakas ang Typhoon Francisco habang patuloy itong kumikilos pahilagang-kanluran sa bilis na 30 kilometro kada oras, ayon sa pinakahuling ulat ng PAGASA na inilabas alas-5:00 ng umaga ngayong June 22, 2026.
Batay sa datos, ang sentro ng bagyo ay huling namataan sa layong 715 kilometro silangan ng Tuguegarao City, Cagayan. Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 140 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong umaabot sa 170 kilometro kada oras, habang nasa 965 hPa ang central pressure.
Ayon sa PAGASA, malawak ang sakop ng bagyo kung saan ang malalakas hanggang typhoon-force winds ay umaabot sa layong 420 kilometro mula sa sentro nito.
Nakataas ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 sa ilang bahagi ng Luzon, kabilang ang Batanes, northeastern Cagayan partikular sa Gonzaga at Santa Ana, gayundin ang eastern portion ng Babuyan Islands gaya ng Babuyan Island, Didicas Island, at Camiguin Island.
Babala ng PAGASA, maaaring makaranas ng malalakas na hangin na nasa pagitan ng 39 hanggang 61 kilometro kada oras, na may katumbas na minimal hanggang minor na epekto sa buhay at ari-arian.
Posible ring mas maramdaman ang mas malalakas na bugso ng hangin sa mga baybayin at kabundukang lugar.
Bukod dito, patuloy ding pinaalalahanan ang publiko sa banta ng malalakas na pag-ulan na dulot ng bagyo, batay sa Weather Advisory No. 1 na inilabas ng ahensya.
Samantala, patuloy ding naaapektuhan ng Southwest Monsoon o Habagat ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), na nagdudulot ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan, thunderstorms, at pagkidlat-pagkulog.
Babala ng PAGASA, posibleng makaranas ng pagbaha at pagguho ng lupa sa mga lugar na makakaranas ng katamtaman hanggang malakas na pag-ulan.

















