Nagkaroon ng armadong sagupaan sa Sitio Bintad, Barangay Olandang, Nabalawag, Special Geographic Area (SGA) madaling-araw kahapon Setyembre 16, 2026, na kinasangkutan ng grupo ni Cmdr. Jego Sadul sa ilalim ng pamumuno ni Haon Sindatok at grupo ni Cmdr. Badrudin na pinamumunuan naman ni Cmdr. Wahid Tundok.
Dahil sa pangamba sa seguridad, pansamantalang lumikas o sumilong sa Dabpil-Sampulna Elementary School ang ilang residente habang nagpapatuloy ang insidente.
Agad namang isinagawa ang conflict disengagement at ceasefire intervention sa lugar sa pangunguna ng MILF-CCCH, katuwang ang 33rd Infantry Battalion, 27th Infantry Battalion, PSRO-OCM BARMM, LGU Nabalawag, at BLGU Olandang.
Nagresulta ang naturang intervention sa pagtigil ng palitan ng putok sa pagitan ng dalawang grupo.
Sa pinakahuling ulat, wala nang naitalang panibagong putukan sa lugar at nananatiling kalmado ang sitwasyon. Patuloy namang mino-monitor ng mga security forces at peace mechanisms ang lugar upang maiwasan ang muling paglala ng tensyon at mapanatili ang kapayapaan at kaayusan.
Samantala, patuloy pang bineberipika at iniimbestigahan ng mga kinauukulang awtoridad at peace mechanisms ang ugat ng naturang alitan.











