Nagdulot ng pag-aalala sa Coland Systems Technology, Inc. sa Cotabato City ang isang post sa social media na naglalaman umano ng banta ng pamamaril dahil sa alegasyon ng bullying sa isang estudyante.
Sa isang post, isang indibidwal ang nagbabala na may target umano itong barilin dahil sa bullying na naranasan ng anak nito at sinabing sisimulan nitong hanapin ang mga umano’y nambu-bully sa Lunes, Setyembre 28.
Samantala, sinabi ng pamunuan ng Coland Systems Technology na nakatanggap sila ng impormasyon kaugnay sa umano’y banta laban sa kanilang school community.
Ayon sa paaralan, nakikipag-ugnayan na ito sa mga kinauukulang ahensya at awtoridad para sa agarang beripikasyon at naaangkop na aksyon, habang pinaiigting din ang mga security at precautionary measures.
Nanawagan naman ang pamunuan sa mga estudyante, guro at personnel na manatiling kalmado at mapagmatyag at umasa lamang sa opisyal na abiso ng paaralan.

















