Tinapos ng 908 tauhan ng Police Regional Office 12 o PRO 12 ang kanilang election duty sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM.

Isinagawa ang Heroes Welcome at Awarding Ceremony para sa mga tauhan sa Sultan Kudarat Convention Center and Business Complex sa Tacurong City nitong Setyembre 17.

Kabilang sa kanilang naging tungkulin ang pagbibigay ng seguridad at suporta sa 2026 BARMM Parliamentary Elections.

Pinangunahan ni PRO 12 Regional Director PBGEN Alan B. Manibog ang pagtanggap sa mga tauhan, kasama si COMELEC 12 Regional Election Director Atty. Michael C. Abas.

Ginawaran din ng pagkilala ang mga personnel bilang bahagi ng pagtatapos ng kanilang election deployment.

Pinasalamatan ni Manibog ang mga tauhan sa kanilang pagtupad sa tungkulin at pananatiling propesyonal sa kabila ng pagkakalayo sa kanilang mga pamilya.

Matapos ang kanilang deployment, itinakda nang bumalik ang mga ito sa kani-kanilang unit sa SOCCSKSARGEN.