Nakakuha ng suporta mula sa 46 sa kabuuang 80 miyembro ng Bangsamoro Parliament ang Bangsamoro Federalist Party o BFP, kasama ang mga coalition partner nito.

Sa pahayag ng BFP, sinabi nitong sapat na ang bilang ng kanilang mga kaalyadong MP para makabuo ng mayorya sa First Regular Bangsamoro Parliament.

Dahil dito, sinabi ng partido na nakahanda na silang isulong ang pagbuo ng Government of the Day, bago ang inaugural session ng First Regular Bangsamoro Parliament.

Ayon sa BFP, makikipagtulungan sila sa kanilang mga coalition partner para itakda ang mga pangunahing prayoridad ng unang regular na pamahalaan ng Bangsamoro.

Layunin din umano ng coalition na magkaroon ng matatag, inklusibo, at gumaganang pamahalaan na agad tutugon sa pangangailangan ng mga Bangsamoro.

Sa nasabing pahayag, nagpasalamat ang BFP sa mga coalition partner at mga halal na miyembro ng Parliament sa kanilang tiwala at pakikipagtulungan.