Pormal nang nanumpa bilang bagong commander ng 601st Infantry o Unifier Brigade si Brigadier General Gremel B. Brual sa isinagawang Change of Command Ceremony sa headquarters ng brigada sa Barangay Kamasi, Ampatuan, Maguindanao del Sur noong Agosto 6.
Pinalitan ni Brigadier General Brual si Brigadier General Edgar L. Catu, na itinalaga bilang bagong Assistant Division Commander ng 6th Infantry “Kampilan” Division. Pinangunahan ang turnover of command ni Major General Jose Vladimir R. Cagara, Acting Commander ng Western Mindanao Command, Commander ng 6th Infantry Division, at Joint Task Force Central.
Sa kanyang mensahe, pinuri ni Major General Cagara ang naging pamumuno ni Brigadier General Catu at ang mga naging ambag nito sa pagpapatatag ng kapayapaan at seguridad sa nasasakupan ng brigada.
Binigyang-diin din ni Cagara ang kanyang pagtitiwala sa kakayahan at karanasan ni Brigadier General Brual upang maipagpatuloy ang mga programa at operasyon ng 601st Infantry Brigade. Hinikayat din nito ang mga opisyal at tauhan ng brigada na suportahan ang bagong pamunuan sa pagpapatuloy ng mga hakbang para sa kapayapaan, kaayusan, at kaunlaran sa kanilang area of responsibility.
Dinaluhan ang naturang seremonya ng mga opisyal ng militar, mga lokal na opisyal, kinatawan ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, at iba pang katuwang sa usaping pangkapayapaan at seguridad.

















