Posibleng bumaba ang presyo ng diesel at kerosene sa susunod na linggo habang inaasahan namang tataas ang presyo ng gasolina, ayon sa Department of Energy o DOE.

Batay sa monitoring ng Mean of Platts Singapore sa nakalipas na apat na araw ng trading, tinatayang magkakaroon ng bawas-presyo na nasa humigit-kumulang siyam na piso kada litro sa diesel at nasa dose pesos kada litro naman sa kerosene.

Sa kabilang banda, posibleng madagdagan ng P1.60 hanggang P1.70 kada litro ang presyo ng gasolina.

Ayon kay DOE Oil Industry Management Bureau Director Rino Abad, nagsisimula nang bumalik sa normal ang galaw ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado matapos ang epekto ng tensyon sa Gitnang Silangan noong mga nakaraang buwan.

Ipinaliwanag din ng DOE na mula sa mataas na presyong umaabot sa 70 hanggang 95 dollars kada bariles, unti-unti na itong bumababa patungo sa mas normal na antas na nasa 55 hanggang 65 dollars kada bariles.

Inaasahang iaanunsiyo ng mga kumpanya ng langis ang opisyal na price adjustment sa Lunes habang ipatutupad ito kinabukasan, araw ng Martes.