Nagdeklara ng State of Calamity ang bayan ng Bongao, Tawi-Tawi, nitong Miyerkules, Pebrero 4, kasunod ng malawakang sunog na yumanig sa isang residential area noong Martes, Pebrero 3.

Aabot sa halos 1,000 kabahayan ang nasunog, na nag-iwan ng humigit-kumulang 690 pamilya na nawalan ng tahanan. Mabuti na lamang at walang naiulat na nasawi o nasugatan.

Tinaya ng lokal na pamahalaan ang kabuuang pinsala sa pribadong ari-arian na umaabot sa P17.5 million, habang P18 million naman ang naitala sa mga pampublikong pasilidad. Bilang agarang tugon, ilalaan ng munisipyo ang 30% ng Quick-Response Fund (QRF) para matulungan ang mga pamilya sa kanilang pangangailangan.

Ayon kay Acting Municipal Fire Marshall Wagner Kamlian ng Bureau of Fire Protection Bongao, patuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang eksaktong dahilan ng sunog at ang kabuuang pinsala.

Samantala, ang mga nawalan ng tahanan sa Barangay Lamion ay pansamantalang inilikas sa mga evacuation site, kabilang ang campus ng Mindanao State University, ayon sa Bongao LGU, tanggapan ni Tawi-Tawi Governor Ysmael Sali, at Bangsamoro Social Services Minister Raissa Jajurie.

Nanawagan ang lokal na pamahalaan sa publiko na makipagtulungan at maging maingat habang isinasagawa ang relief operations at agarang tulong sa mga apektadong pamilya.