Sugatan ang tatlong sibilyan matapos mauwi sa armadong engkwentro ang isinagawang buy-bust operation ng mga otoridad kamakalawa, araw ng Martes, Mayo 26, 2026 sa Barangay Bakat, Rajah Buayan, Maguindanao del Sur.
Ayon sa ulat ng Police Regional Office-Bangsamoro, isinagawa ang operasyon bandang alas-4:20 ng hapon ng pinagsanib na puwersa ng Rajah Buayan Municipal Police Station, Provincial Intelligence Unit at Provincial Drug Enforcement Unit ng Maguindanao del Sur Police Provincial Office, at Regional Intelligence and Analysis Team ng PRO-BAR, sa pakikipag-ugnayan sa Philippine Drug Enforcement Agency-BAR.
Target ng operasyon ang pangunahing suspek na kinilalang si alyas Gabriel Dagandal at lima nitong hindi pa nakikilalang kasamahan na pawang residente ng naturang barangay.
Batay sa paunang imbestigasyon, pagbaba pa lamang ng mga operatiba mula sa kanilang sasakyan ay agad silang pinaputukan ng mga suspek na nagresulta sa pagkasugat ng mga sibilyang nasa malapit na lugar.
Dahil sa presensya ng mga sibilyan, nagsagawa umano ng selective fire ang mga operatiba bilang tugon sa pamamaril.
Tumagal ng tinatayang lima hanggang sampung minuto ang palitan ng putok bago tumakas ang mga suspek patungo sa masukal na bahagi ng lugar.
Kabilang sa mga nasugatan ang isang 19-anyos na lalaki na nagtamo ng galos sa kaliwang balikat, isang 17-anyos na lalaki na nagtamo ng sugat sa ulo matapos umanong tamaan ng kahoy, at isang 16-anyos na lalaki na nagtamo ng pinsala sa kanang balikat.
Agad na isinugod ang mga biktima sa pagamutan para sa kaukulang medikal na atensyon at patuloy na mino-monitor ng mga awtoridad ang kanilang kalagayan.
Sa isinagawang operasyon, nakarekober ang mga operatiba ng anim na maliit na heat-sealed plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu at isang granada.
Dinala ang mga nakumpiskang ebidensya sa Rajah Buayan Municipal Police Station para sa dokumentasyon at isasailalim sa pagsusuri bilang bahagi ng paghahanda sa pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa mga suspek na nananatiling pinaghahanap.

















